MANILA, Philippines - Sabog ang bungo ng isang campaign coordinator ni La Union 2nd District Congressman Thomas Dumpit Jr., matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan na lulan ng motorsiklo sa bayan ng Tubao, La Union nitong Huwebes.
Kinilala ang biktima na si Charles Ulalan, 62, na agad na binawian ng buhay. Batay sa report ng La Union Provincial Police Office, naganap ang krimen sa kahabaan ng Brgy. Francia Sur sa bayan ng Tubao.
Kasalukuyan umanong nakikipag-usap ang biktima sa isa nilang kasamahan nang biglang sumulpot ang mga armadong salarin.
Pagtapat sa biktima ay pansamantalang huminto ang mga suspect saka pinagbabaril ito na napuruhan ng tama ng bala ng cal. 45 sa ulo at duguang bumulagta sa tabi ng kalsada. Mabilis namang tumakas ang mga suspek.
Narekober naman sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng bala ng nasabing baril. Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo ng krimen kung saan kabilang sa sinisilip na anggulo ay ang posibilidad na may kinalaman ito sa pulitika.