Taong grasa, ginahasa at pinatay ng tanod
DARAGA , ALBAY , Philippines — Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang hindi pa nakikilalang babae na itinuturing na taong grasa makaraang gahasain at patayin ng isang barangay tanod kamakalawa ng gabi sa isang bahay kubo sa harapan ng Daraga Cockpit and Sports Complex sa Barangay Maroroy sa bayang ito.
Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa nakikilala ng mga awtoridad ang biktima na dinala sa Puneraria Nuestra Senora De Salvacion.
Agad namang naaresto ng mga awtoridad sa isinagawang follow-up operation si Elvin Mayor 35, may asawa, Chief Barangay Tanod at residente ng naturang lugar.
Batay sa ulat ng pulis ya ang insidente ay naganap dakong alas-11:00 ng gabi matapos na kaladkarin ng suspek ang biktima sa isang bakanteng bahay kubo sa tabi ng kalsada at saka isinagawa ang panghahalay. Matapos ito ay pinatay ng suspek ang biktima.
Lingid sa kaalaman ng suspek ay may ilang kargador ng gulay ang nakasaksi sa ginawa nitong krimen.
Mabilis namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga miyembro ng Daraga MPS at pinuntahan ang bahay ng suspek na kung saan doon ito naabutan.
Nagpanggap pang nagtutulug-tulugan ang suspek kung kaya pinagtulungan lamang itong buhatin ng mga pulis at positibong itinuro ng mga saksi sa naturang krimen.
Ayon sa mga saksi pagala-gala lamang ang biktima sa lugar at walang nakakaalam ng pagkakakilanlan nito.
Kasalukuyan namang nakakulong ang suspek sa himpilan ng pulisya at inihahanda na ang pag sasampa ng kaso laban dito.
- Latest
- Trending