Shootout: 3 PAGs dedo, 6 pa sugatan
MANILA, Philippines - Tatlong armadong kalalakihan na sinasabing miyembro ng partisan armed group ang iniulat na napatay habang anim iba pa ang nasugatan makaraang makipagbarilan sa mga pulis na nagbabantay sa inilatag na Comelec checkpoint sa bayan ng Tibiao sa Antique kahapon ng madaling-araw.
Kabilang sa mga napatay ay sina Rogelio Pagsugiran, Edgar Magtulis at Efraim Pagharion habang sugatan naman sina Federico Eraga Jr., Peruno Leandro, Eleazar Pagharion, Edward Lucenia, Andresito Bandoja, at si Arnulfo Miguel na pawang ginagamot sa Angel Salazar Memorial Hospital.
Naaresto naman sina Klement Bandoja, Vicente Hilario, Peter Jay Molina, Frank Española, Johnirie Paghario, at si Roswald Malabor.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang mga napatay at nasugatan ay sinasabing tagasuporta ng mayoralty bet na si Gil Bandoja.
Sa ulat ng Joint Security Control Committee sa Region 6, naganap ang shootout matapos umiwas sa checkpoint ang mga suspek na lulan ng maroon Nissan Pathfinder (FDC-558) at itim na Nissan Frontier pick-up truck (FFG-383).
Narekober sa mga suspek ang apat na baril at Granada kung saan patuloy ang imbestigasyon.
- Latest
- Trending