Mag-asawang kaapelyido ng kandidato grinanada, todas

MANILA, Philippines - Namatay ang isang mag-asawang matanda maka­raang pasabugan ng grana­da ang kanilang tahanan sa Barangay Napo, Carcar City, Cebu nitong Huwebes ng madaling araw.

Kinilala ang nasawing mga biktima na sina Felipe Na­cua, 72-anyos at Misis ni­tong si Felicisima, 70-anyos.

Batay sa report ng Police Regional Office-7, naganap ang insidente sa tahanan ng mag-asawa sa Sitio Ka­mang­gahan, Barangay Na­po dakong ala-1:00 ng ma­daling araw. Ayon sa imbes­tigasyon, isang Roberto Naga ang nakakita sa hindi nakilalang suspek na nag­hagis ng granada sa taha­nan ng mga biktima.

Nabatid na mahimbing na natutulog ang mag-asawa ng dahan-dahang lumabas mula sa pinagkukublihan ang nasabing lalaki na may dalang flashlight.

Ilang saglit pa isang ma­lakas na putok ang umali­ngawngaw sa lugar na ku­mitil sa buhay ng dala­wang matanda.

Iniimbestigahan na ng pulisya kung may kaugna­yan sa pulitika ang motibo ng naturang krimen.

Napag-alaman na ka­apelyido ng mga biktima ang ilang mga kandidato sa halalang lokal sa nabanggit na bayan na hinihinalang siyang motibo ng pagpatay sa mga ito.

Show comments