Mag-asawang kaapelyido ng kandidato grinanada, todas
MANILA, Philippines - Namatay ang isang mag-asawang matanda makaraang pasabugan ng granada ang kanilang tahanan sa Barangay Napo, Carcar City, Cebu nitong Huwebes ng madaling araw.
Kinilala ang nasawing mga biktima na sina Felipe Nacua, 72-anyos at Misis nitong si Felicisima, 70-anyos.
Batay sa report ng Police Regional Office-7, naganap ang insidente sa tahanan ng mag-asawa sa Sitio Kamanggahan, Barangay Napo dakong ala-1:00 ng madaling araw. Ayon sa imbestigasyon, isang Roberto Naga ang nakakita sa hindi nakilalang suspek na naghagis ng granada sa tahanan ng mga biktima.
Nabatid na mahimbing na natutulog ang mag-asawa ng dahan-dahang lumabas mula sa pinagkukublihan ang nasabing lalaki na may dalang flashlight.
Ilang saglit pa isang malakas na putok ang umalingawngaw sa lugar na kumitil sa buhay ng dalawang matanda.
Iniimbestigahan na ng pulisya kung may kaugnayan sa pulitika ang motibo ng naturang krimen.
Napag-alaman na kaapelyido ng mga biktima ang ilang mga kandidato sa halalang lokal sa nabanggit na bayan na hinihinalang siyang motibo ng pagpatay sa mga ito.
- Latest
- Trending