Bro. Eddie suportado ng mga Tarlaceños
TARLAC, Philippines — Napasok na ng Bangon Pilipinas ang teritoryo ng dalawang presidentiable na sina Sen. Benigno “Noynoy” Aquino at Gilbert “Gibo” Teodoro kung saan nakakuha ang partido ng libu-libong suporta mula sa mga lokal na opisyal, mga magsasaka at iba’t ibang grupong sektoral.
Sa campaign rally ng Bangon Pilipinas ni Bro. Eddie Villanueva, naging mainit ang pagtanggap sa kanya ng libu-libong residente sa mga bayan sa Pura, Ramos, PaniquI, Concepcion, Capas, San Isidro at Tarlac City noong Miyerkules. Humarap ang mahigit 2,000 lider ng magsasaka sa ginanap na pagpupulong sa bayan ng San Isidro kung saan nagkaisa at nagpahayag ng suporta kay Villanueva sa May 10 elections.
Muling iginiit ni Villanueva sa mga magsasaka na sila ang unang makakakuha ng benepisyo mula sa pamamahala nito kapag nahalal bilang Pangulo sa ilalim ng kanyang economic revolution program sa loob ng first 100 days sa Palasyo.
Ipinangako ni Villanueva na magtatayo ang kanyang gobyerno ng National Cooperative Bank na may multi-bilyong pondo upang magbigay ng soft loan sa mga magsasaka, mangingisda at iba pang maliliit ng walang collateral. Magtatatag din siya ng mga training centers para sa crashed program ng mga gustong magtayo ng maliliit na negosyo tungo sa tamang pag-unlad.
Naniniwala sina Capas Mayor Reynaldo Catacutan at Concepcion Mayor Noel Villanueva na nasa mabuting kamay ang Pilipinas kapag si Villanueva ang magiging lider.
- Latest
- Trending