Drayber na nagdeliber ng balota ng Comelec, kinikilan ng pulis-TMG
LEGAZPI CITY, Philippines – Isang miyembro ng PNP Traffic Management Group ang nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa tungkulin matapos na harangin at kikilan ang drayber ng truck na magdadala ng official ballot ng Comelec kahapon ng madaling-araw sa inilatag na checkpoint sa bayan ng Polangui, Albay.
Ipinag-utos na ni P/Supt. William Macavinta, provincial police director na masusing imbestigahan ang suspek na si SPO2 Aldrin Muñoz matapos makaabot sa Comelec ang impormasyon na kinotongan ang drayber ng truck (RFB 645) na si Jose Cano.
Naganap ang insidente dakong alas-3:45 ng madaling-araw matapos harangin sa checkpoint ni SPO2 Muñoz ang truck na naglalaman ng official ballot.
Kaagad na hinanapan ng mga papeles ang drayber na naipakita kung saan nagpakilala naman ang kasama ni Cano na isang opisyal ng Comelec subalit sinabihan siya ng suspek na walang pakialam ang Comelec sa checkpoint.
Sinabi pa ng suspek na kolorum ang truck na ginamit ng Comelec kaya pinagmumulta ng P6,000 hanggang sa magkaaregluhan na umabot sa P100 ang naibigay.
- Latest
- Trending