BULACAN, Philippines – Pinaniniwalaang maaapektuhan ang eleksyon sa bayan ng Obando, Bulacan makaraang sunugin ng mga ‘di-pa kilalang lalaki ang opisina ng Commission on Elections (Comelec) na nasa loob ng munisipyo ng nabanggit na bayan noong Lunes ng gabi.
Sa ulat ng provincial fire marshal na si Supt. Absalom Zipagan, nagsimula ang sunog bandang alas-11:15 ng gabi at naapula naman makalipas ang 30-minuto.
Nadamay sa sunog ay certified voters list (CVL), voters registration report (VRR), mahahalagang dokumento na may kaugnayan sa May 10 elections at mga sample ballot para sa isasagawang mock elections. Bago sumiklab ang apoy, nabatid na nasa opisina pa ang tatlong kawani ng Comelec kabilang na si Election Assistant ll Enriqueto San Diego kung saan magkakasabay na umalis.
Sa ulat na natanggap ni P/Senior Supt. Fernando Villanueva, acting provincial police director, dalawang ’di-pa nakikilalang lalaki na lulan ng motorsiklo ang umaaligid sa nabanggit na lugar.
Nabatid na namataan ang dalawa na bumaba ng motorsiklo saka nagmamadaling umalis. Natagpuan ng pulisya ang dalawang maliit na plastic container na sinasabing may kemikal na ginamit sa panununog.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng mga tauhan ni P/Chief Insp. Julius Caesar Mana ng CIDT-Bulacan ang tatlong tauhan ng Comelec na napag-alamang nagtrabaho sa opisina ng hatinggabi bago naganap ang sunog.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Atty. Sabino Mejarito, election supervisor na walang epekto ang naganap sa sunog sa darating na halalan dahil may mga kopya sila ng nasunog at nabasang mga dokumento.