Kuya binoga sa ulo ni bunso
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City , Philippines – Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang isang 52-anyos na lalaki makaraang barilin sa ulo ng kanyang bunsong utol dahil sa pakikipagtalo sa mamanahing lupa kamakalawa sa Sitio Pagdiwitan, Barangay Toytoy sa bayan ng Garchitorena, Camarines Sur.
Nasa kritikal na kalagayan sa Bicol Medical Center si Rolando Ruelo, 52 , ng Barangay Harison habang tugis naman ng pulisya ang suspek na si Armando Ruelo, 50, ng nabanggit na barangay.
Lumilitaw sa police report, na nagtungo ang biktima sa bahay ng kanyang bunsong kapatid para pag-usapan ang naiwang lupain na kanilang minana sa mga magulang.
Subalit naging mapusok ang bunsong kapatid at ayaw nitong paghatian ang lupa hanggang sa humantong sa matinding pagtatalo.
Dito na kinuha ng suspek ang airgun at ipinutok sa ulo ng kanyang kuya kung saan naisugod naman ng ilang kamag-anak sa nabanggit na ospital.
- Latest
- Trending