3 todas sa road mishap

BATAAN, Philippines — Tatlong sibilyan ang kumpirmadong nasawi samantalang aabot naman sa 58 iba pa ang nasugatan makaraang sumalpok ang pampasaherong bus sa punong kahoy na nasa gilid ng Governor Linao Highway sa Brgy. Binukawan, Bagac, Bataan kahapon ng umaga. Idineklarang patay sa Bataan Gene­ral Hospital sina Enrique Gaborni y Manawis, 52, ng Commonwealth; Nelie Alburo, at isang alyas Jopay, 6, kapwa nakatira sa Batasan, Quezon City. Sa ulat ni P/Chief Insp. Ferdinand Aguilar, hepe ng Bagac PNP, patungong Stella Mariz Beach Resort ang mga biktimang lulan ng Lucky Seven Bus Liner (TXZ-580) nang mawalan ng kontrol sa manibela si Sonny Recafort sa kurbadang kalsada kaya nagtuluy-tuloy na sumalpok sa punong kahoy. Tumakas naman ang drayber ng bus matapos ang sakuna kung saan patuloy ang pagsisiyasat.

Show comments