BACOLOD CITY, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa dalawang campaign coordinator ng congressional bet ng 3rd district ng Negros Occidental makaraang ratratin ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan sa bisinidad ng Barangay Canlandog, sa bayan ng Murcia, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang mga napaslang na sina Rogelio Garcia, 53; at Errol Lubrea, 41, political campaign coordinator ni Ted Lizares Jimenez.
Samantala, nakaligtas naman sa tiyak na kamatayan ang isang miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit na si Dennis Mahusay, 38.
Sa pagsisiyasat ni PO3 Sulito Babe, lumilitaw na papauwi na ang dalawa lulan ng motorsiklo nang tambangan ng mga ‘di-pa kilalang lalaki sa bisinidad ng Purok Paho sa nabanggit na barangay.
Kinondena naman ni Jimenez ang naganap na pamamaslang laban sa kanyang dalawang lider kung saan pinakiusapan nito si P/Senior Supt. Manuel Felix, provincial police director na magsagawa nang masusing imbestigasyon.
Ayon sa media liaison officer ni Jimenez na si Bambi Yngson, ilang araw bago maganap ang pamamaslang, nakahikayat si Garcia ng mga residente mula sa mga Barangay Canlandog, Amayco, Caliban at sa Barangay Lopez Jaena, para dumalo sa political sorties ng nabanggit na congressional bet noong April 23.
Maging ang mga staff member ni Jimenez ay hinaharas at pinagbabantaan sa pamamagitan ng text messages mula sa mga di-pa kilalang grupo ng kalalakihan.
Si Jimenez ay kandidato sa Negros Occidental 3rd district kung saan mahigpit nitong kalaban sa congressional race sina businessman Albee Bantug-Benitez at si outgoing Mayor Esteban “Sonny” Coscolluela.
Sinisilip din ng pulisya ang anggulong alitan ng ilang angkan sa Brgy. Canlandog kung saan lima-katao ang nasawi sa nakalipas na taon.