P.2M kargamento kinulimbat
BULACAN, Philippines – Aabot sa P.2 milyong kargamento na lulan ng trailer truck ang kinulimbat ng ’di-pa kilalang lalaki sa Brgy. Sta. Clara sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan kahapon ng madaling-araw.
Sa imbestigasyon ni PO2 Jayson Taniza, lumilitaw na minamaneho ni Robin Espinosa ang trailer truck (UMD109) kasama ang tatlong pahinante patungo sa bayan ng Guiguinto mula sa Barangay Matictic, Norzagaray nang parahin ng nag-iisang ‘di-pa kilalang lalaki.
Nakiusap na makikisakay lamang ang lalaki patungo sa Brgy. Tabang, Guiguinto kung saan pinasakay naman ni Espinosa.
Gayon pa man, pagsapit sa madilim na bahagi ng Brgy.Sta. Clara ay tinutukan na sila ng lalaki na nagpakilalang rebeldeng New People’s Army.
Dito na sila iginapos at inabandona sa madamong bahagi kung saan naitakas naman ng suspek ang trailer truck na naglalaman ng saku-sakong semento.
Sa tala ng pulisya, noong Marso 13 ay nakulimbat din ang trailer truck (WAP-547) ni Manuel Victoria kung saan natangay ang P.2 milyong kargamento sa Barangay Poblacion, Norzagaray, Bulacan.
Pinaniniwalaang isang grupo ng hijacker ang nasa likod ng insidente.
- Latest
- Trending