BAYOMBONG, Nueva Vizcaya , Philippines – Palaisipan sa mga imbestigador ng pulisya kaugnay sa pagkakapaslang sa dalawang negosyanteng Tsino na sinasabing ibinaon sa pampublikong sementeryo sa bayan ng Santa Maria, Isabela.
Kinilala kahapon ng pulisya ang dalawa na sina Wee Lee Feung at Ke Hui Liung na kapwa area executive ng kompanya ng RTW sa Metro Manila at tubong Fujian, China.
Ang mga labi ng dalawa ay hinukay kamakalawa sa public cemetery ng Brgy. Naganacan, Santa Isabela matapos makumpirmang may ibinaong dalawang katawan sa nabanggit na lugar.
May hinala ang pulisya na maaring pinatay sa ibang lugar ang mga biktima bago ibinaon sa bayan ng Sta. Maria.
“Our investigations are still ongoing. We can’t yet establish any definite motives behind these killings. It’s still premature to make any conclusions,” pahayag ni P/Senior Supt. Jimmy Rivera, provincial police director.
Naunang iniulat na nawawala ang dalawa noong Abril 12 matapos mabigong makabalik sa Metro Manila kung saan isang kawani ng Novo Jeans sa Santiago City-Isabela ang nakipag-ugnayan sa himpilan ng pulisya kaugnay sa pagkawala ng dalawa nilang area supervisor.
Pinaghahanap naman ang drayber ng dalawang negosyante na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa natatagpuan.