7 nailigtas sa lumubog na speedboat

BATANGAS, Philippines — Pito-katao ang nailigtas sa tiyak na kapahamakan matapos lumubog ang sinasakyan nilang speedboat sa karagatang malapit sa Matuko Point sa may Bonito Island ng Batangas City, Batangas kamakalawa ng hapon. Ayon kay Lt. Troy Cornelio, kumander ng Ba­tangas Coast Guard Station, dalawa sa pitong sakay ng speedboat ay nailigtas ng M/V Penguin, samantala ang lima naman ay nasagip ng ibang bangka na dumaraan sa pinaglubugan. Nabatid na patungong Puerto Galera ang mga biktima mula sa Barangay Tabangao, Batangas City nang hampasin ng malalakas na alon ang kanilang speed boat hanggang sa ito ay tumaob bandang alas-2:30 ng hapon. Kinilala ni Puerto Galera CG Station Commander Petty Office 1 Jaime Garcia ang mga sakay ng speedboat na sina Kim Reyes, Erwyn Lim, Cara Bado, Danny Yao, at mga nakilala lamang na Willy, Fred at Mr. Yu ng Quezon City. 

Show comments