MANILA, Philippines - Tatlong kalalakihan na sinasabing mga bandidong Abu Sayyaf ang napaslang habang dalawa namang sundalo ang nasugatan sa inilunsad na opensiba ng militar kahapon sa Barangay Mesola, Isabela City, Basilan.
Sa phone interview, sinabi ng hepe ng AFP-Western Mindanao Command na si Lt. Gen. Ben Mohammad Dolorfino, bandang alas-5:09 ng hapon nang maglunsad ng opensiba ang Marine Battalion Landing Team (MBLT) 1 laban sa grupo ng mga bandido.
Ayon sa opisyal, ang nakasagupang grupo ng mga bandido ay sangkot sa madugong pag-atake sa Isabela City kung saan nagsagawa ng magkakasunod na pambobomba at pamamaril na ikinasawi ng 14-katao na karamihan ay mga sibilyan habang 12 iba pa ang nasugatan.
Ang palitan ng putok ay tumagal ng 15 minuto na ikinamatay ng tatlong bandido habang dalawa namang sundalo ang nasugatan sa insidente.
Ang grupo ng mga Abu Sayyaf ay namataang nagsitakas patungo sa hilagang silangang direksyon ng nasabing lugar.
Narekober sa pinangyarihan ng bakbakan ang isang M16 rifle, M14 rifle at isang Squad automatic weapon.
Nagsasagawa ng beripikasyon ang militar sa pagkakakilanlan sa napatay na bandido kung saan ang isa sa napatay na may hawak na squad automatic weapon ay posibleng isa sa mga lider ng Sayyaf.
Nagpapatuloy naman ang opensiba laban sa grupo ng Basilan raider na target lipulin bago ang May 10 polls.