Kampo ng NPA nakubkob
KIDAPAWAN CITY, Philippines – Nakubkob ng tropa ng militar ang isa sa pinakamalaking training camp ng mga rebeldeng New People’s Army sa bayan ng Makilala, North Cotabato kahapon ng umaga. Ayon kay Lt. Andolong Durado, hepe ng Civil Military Operations ng 57th IB na nakabase sa Makilala, na-recover ng pinagsanib na puwersa ng Scout Rangers Company at ng 62nd Division Reconnaissance Company ng 6th Infantry Division, ang mga gamit sa paggawa ng mga improvised explosive device (IED), military uniforms, ilang piraso ng combat boots, at mga pagkain sa kampo ng NPA Front 51 command sa may Sitio Makalangit, Barangay New Israel.
Narekober din sa erya ang 1,000 piraso ng sabong panlaba na, ayon kay Lt. Durado, ay ginagamit na sangkap sa paggawa ng Molotov bomb. Ang mga materyales ng pampasabog ay nakatago sa underground ng apat na bunker na hawak na ngayon ng Army. Sinabi ni Durado na halos dalawang buwan din nilang sinubaybayan ang training camp ng NPA rebs kung saan noong Martes ay naispatan ang pagsasanay ng mga rebelde. Bagama’t walang naarestong rebelde ay namataan naman ang mga patak ng dugo kung saan dumaan ang grupo ng NPA na posibleng bitbit ang mga sugatan o nasawi. Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang clearing operations ng Army sa erya.
- Latest
- Trending