Miting grinanada: 2 dedo, 12 sugatan
MANILA, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa mag-amang supporter ng mag-utol na kandidato habang 12 iba pa ang nasugatan makaraang sumabog ang granada na inihagis sa pagpupulong ng mga ito sa Hillside Resort sa Barangay Awang sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao noong Miyerkules ng madaling-araw.
Naunang namatay si Haron Kitong matapos masapul sa pagsabog habang ang kanyang anak na si Mon Raitul Kitong ay nasawi naman sa ospital kahapon ng madaling-araw.
Ang mag-ama ay kapwa supporter ng mag-utol na Motasser Sabal, mayoralty bet at utol nitong si Abraham Sabal na vice mayoralty bet naman at sinasabing kalaban ng isa sa maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan sa bayan ng Talitay, Maguindanao.
Kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa iba’t ibang pagamutan sa Cotabato City ang 12 sugatang biktima.
Sa phone interview, sinabi ni Maguindanao Provincial Police Office Director Senior Supt. Alex Lineses, lumilitaw na nagpupulong ang mag-utol na Sabal kaugnay ng kanilang kandidatura nang bigla na lamang may maghagis ng granada sa nasabing resort.
Nasa swimming pool ang mag-ama kasama ang 25 iba pa nang masapul ng pagsabog habang nakaupo naman sa may mesa ang magkapatid na Sabal.
Pinaniniwalaang pulitika ang isa sa nakikitang motibo ng insidente habang patuloy ang imbestigasyon.
- Latest
- Trending