BATANGAS, Philippines – Nahaharap sa kasong frustrated murder at violation of Comelec gun ban ang isang supporter ni Batangas gubernatorial bet Armand Sanchez matapos tutukan nito ng baril ang isang supporter naman ni Governor Vilma Santos-Recto sa bisinidad ng Barangay Bolbok sa Lipa City, Batangas kamakalawa ng tanghali.
Kinilala ni P/Senior Supt. Alberto Supapo, Batangas police director ang suspek na si Roger De Torres, 45, ng Barangay 3, Lipa City at close-in bodyguard ni Barangay Bolbok Chairman Dakila Atienza ng Lipa City na kapartido ni Sanchez sa ilalaim ng Nacionalista Party.
Ayon sa report, nag-iinuman ng alak ang grupo ni De Torres nang imbitahin nito si Valentino Maguiat na masugid na supporter naman ni Governor Vilma Santos-Recto.
Nabatid na inalok ng suspek na uminom si Manguiat kasabay sa pagkumbinsi nitong suportahan si Sanchez imbes na si Gov. Vi. sa darating na halalan.
Nang tumanggi si Manguiat, nagalit ang suspek hanggang tutukan nito ng baril ang biktima at nang kalabitin ang gatilyo ay masuwerte namang hindi pumutok.
Samantala, itinatanggi naman ng suspek ang akusasyon ng biktima.