CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Isang 24-anyos na bankero ang kumpirmadong nasawi habang nasugatan naman ang 3 Koreanong turista kabilang na ang isa pang bankero makaraang mabagsakan ng punong kahoy habang bumabaybay sa ilog ng Cavinti sa Laguna kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni P/Senior Supt. Manolito Labador, Laguna police director, ang nasawi na si Francisco Cataang Jr., 24, ng Barangay Pinagsanjan, Pagsanjan, Laguna.
Sugatan naman at naisugod sa Pagsanjan Hospital sina Kim Kwang Su, 65; Kim Chil Soo, 59; Jeong Gyeong Jang, 49; at ang bangkerong si Wilfredo Juarez.
Nabatid na binabagtas ng mga biktima ang ilog na patungong Cavinti Falls (dating Pagsanjan Falls) nang mabagsakan ng tumumbang punong kahoy mula sa gilid ng ilog bandang alas-10:45 ng umaga.
Posibleng lumambot ang lupa sa gilid ng ilog dahil sa pag-ulan bago naganap ang trahedya.