MANILA, Philippines - Tatlong sundalo at tatlong rebeldeng New People’s Army ang napaslang matapos na makasagupa ng tropa ng pamahalaan ang grupo ng mga rebelde na nangangampanya sa mga iniindorso nilang kandidato sa Paquibato District, Davao City kamakalawa.
Sa ulat ng hepe ng Army’s 10th Infantry Division na si Major Carlos Holganza, naganap ang sagupaan sa liblib na lugar sa Barangay Lumiad, Paquibato District kung saan napatay sina Cpl. Moises Gaddawan, Pfc Caesar Gadot at Pfc Glenn Haro; pawang miyembro ng 69th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Base sa intelligence report, tinatayang tatlo o higit pa ang mga nasawi sa mga rebelde na binitbit ng mga nagsitakas sa kasamahang NPA.
Napag-alamang nakatanggap ng ulat ang tropa ng militar kaugnay sa presensya ng mga rebelde na nagsasagawa ng house-to-house campaign para sa mga iniindorso nilang kandidato at partylist group.
Sinasabing ang mga kandidatong ikinakampanya ng NPA ay ang mga nagbayad lamang sa kanilang grupo ng permit to campaign (PTC) fees na ipinapataw sa mga pulitikong tumatakbo sa iba’t-ibang posisyon sa gobyerno.