Mga kinarnap, plaka, shabu nadiskubre... Katayan ng mga sasakyan ni-raid
BULACAN , Philippines — Matiyagang pagmamanman ang naging susi upang madiskubre ang malaking katayan ng mga kinakarnap na sasakyan mula sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila sa isinagawang operasyon ng pulisya kahapon ng umaga sa Amparo Subdivision sa hangganan ng Caloocan City at San Jose Del Monte City, Bulacan.
Sa ulat ni P/Supt. Edwin Quilates, natagpuan ang katayan ng mga kinakarnap na sasakyan sa liblib na bahagi ng nabanggit na lugar na sinasabing inuupahan ng Raymond Dominguez Group na responsable sa serye ng carnapping sa Bulacan at Metro Manila.
Nabatid kay P/Supt. David Poklay na nirerentahan ng isang nagngangalang Benigno Victorino ng Brgy. Corazon, Calumpit, Bulacan ang nadiskubreng lote kung saan narekober ang tanker truck (TXH-783) na hinayjak ng grupo ni Dominguez noong Abril 8 sa bayan ng Bacolor, Pampanga.
Natagpuan din sa loob ng lote ang dalawang bagong pinturang tanker truck, 40 footer container truck, Mitsubishi Strada, at Toyota Hi-lux na pinaniniwalaang kinarnap.
Narekober din ang ilang makina ng sasakyan, piyesa at 16 na pares ng plaka ng sasakyan, acetylene tanks at compressors, ilang gramo ng shabu at isang jacket na may tatak na PNP.
Pinaniniwalaang namang nakatakas ang mga miyembro ni Dominguez matapos matunugan ang pagdating ng pulisya.
May teorya rin ang mga awtoridad na may ka sabwat na mga tiwaling pulis ang grupo ni Dominguez bago pa isagawa ang pagsalakay kaya naalerto ang mga karnaper.
- Latest
- Trending