MANILA, Philippines - Dinukot ng rebeldeng New People’s Army ang isang mayoralty bet at walong opisyal ng barangay habang nangangampanya sa Barangay Marayag, Lupon, Davao Oriental kamakalawa.
Kinilala ni Army’s 10th Infantry Division spokesman Capt. Emmanuel Garcia, ang dinukot na si Independent mayoralty candidate Afran “Boy” Quinones.
Si Quinones at mga supporter nitong 8-opisyal ng barangay ay dinukot ng mga armadong rebelde na nakasuot ng fatigue uniforms ng military sa pangunguna ng isang Ka Benjie ng Sentro de Gravidad NPA Front Committee 18.
Taliwas sa unang napaulat, klinaripika ni Garcia na pito pa lamang na mga barangay opisyal ang pinawalan at nanatili pa ring bihag si Quinones at supporter na si dating Kagawad Ronisito Pedro ng Barangay Marayag.
May kaugnayan sa permit to campaign fee (PTC) ang motibo ng pagdukot kay Quinones dahil humihingi ang mga rebelde ng malaking halaga bago ito pahintulutang makapangampanya sa lugar.
Kaugnay nito, nakipagnegosasyon na si Compostela Valley Governor Arturo Uy sa mga rebelde para sa ligtas na pagpapalaya kay Quinones at isa pang kasamahan nito.
Kasunod nito, hinostage naman ng mga rebelde si Nacionalista Party mayoralty candidate Jessie Callano matapos itong harangin habang nangangampanya sa Sitio Kilayan, Brgy. Malixi, Tagbina, Surigao del Sur.
Nabatid na humihingi rin ang mga rebelde ng P50,000 sa kandidato ng Nacionalista Party sa pag-alkalde na si Jessie Callano upang pahintulutang makapangampanya sa kanilang kontroladong teritoryo.
Ang grupo ni Callano ay pinawalan ng mga rebelde matapos ang 30-minuto kung saan ay nagbanta pang muli ang NPA na isasabotahe ang kampanya nito kapag nabigong magbayad ng P 50,000 PTC fees.