MANILA, Philippines - Lumutang na ang vice mayor ng Pagbilao sa Quezon na naunang iniulat ng kanyang mga kaanak na nawawala habang nagdya-jogging noong Abril 8 sa bayan ng Alaminos, Laguna. Sa pahayag ni P/Chief Supt. Rolando Anonuevo, na nakabalik na sa kaniyang pamilya si Pagbilao Vice Mayor Apolinar Martinez kung saan sinasabing may mga armadong kalalakihan ang humarang sa biktima. Ipinaliwanag naman ni Anonuevo, na duda ang mga awtoridad na kasong kidnapping ang insidente dahil sa kakulangan ng kaukulang detalye. Una rito, nakaligtas na sa pamamaril ang bise alkalde sa bayan ng Pagbilao may ilang linggo na ang nakalipas bagay na patuloy pa ring iniimbestigahan ng pulisya.