MANILA, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng mag-ama na pinutulan pa ng ari ang matanda matapos na kidnapin ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan at itapon ang mga bangkay sa magkahiwalay na lugar sa Bataan noong Biyernes.
Kinilala ng pulisya ang mag-amang pinaslang na sina Emilio Silvano, 72, barbero at anak nitong si Eleazar, 33, kapwa nakatira sa Brgy. Central, Balanga City, Bataan
Batay sa ulat ni P/Senior Supt. Arnold Gunnacao, Bataan PNP director, ang mag-ama ay dinukot ng mga armadong kalalakihan mula sa kanilang tahanan bandang alas-9 ng gabi noong Huwebes.
Kinabukasan, bandang alas-6:30 ng umaga ay nakatanggap ng tawag sa telepono ang himpilan ng pulisya kaugnay sa bangkay na natagpuan sa kahabaan ng Dominican Hills sa Brgy. Gabon sa bayan ng Abucay.
Si Emilio na nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa ulo at nakagapos, naka-plaster ang bibig at pinutulan pa ng ari ay kinilala ng nakatatanda nitong kapatid na si Silvano.
Samantala, ang anak na si Eleazar na may mga tama ng bala ng baril sa mukha ay natagpuan sa damuhang bahagi ng Barangay Dona sa bayan ng Orani, Bataan kung saan ilang oras pagkatapos marekober ang bangkay ng ama.
Pinaniniwalaan namang may matinding galit sa mag-ama ang mga sus pek kung saan may palatandaan ding pinahirapan muna bago paslangin.