SAN FERNANDO, Pampanga, Philippines — Ibinibintang ng Kabataan partylist sa Northern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippine ang mga markang “NPA ito” na isinapaw sa mga political poster ng mga militanteng kandidatong senador na sina Satur Ocampo at Lisa Masa sa Ilocos region.
Sinabi pa ng provincial coordinator ng Kabataan na si Janice Bugasto na nagpapadala rin ang Nolcom ng sulat sa mga lokal na kandidato sa rehiyon para bantaan ang mga ito laban sa pagsuporta sa mga progresibong kandidatong senador at partylist group. Inaakusahan din ng sulat sina Ocampo at Masa ng pagkakasangkot sa pagpatay sa maraming miyembro ng New People’s Army na hininalang deep penetration agent ng militar. Ilang lokal na kandidato rin anya sa Pampanga at Zambales ang nakatanggap ng sulat na nagbabanta sa kanila laban sa pagsuporta kina Ocampo at Masa.
Mariin namang pinabulaanan ng tagapagsalita ng Nolcom na si Major Rosendo Armas ang akusasyon ng Kabataan.