LUCENA CITY, Philippines — Isang vice mayor sa Pagbilao, Quezon ang napaulat na nawawala at posibleng kinidnap habang nagsasagawa ng kanyang routin exercise, ayon sa ulat kahapon ng pulisya.
Kinilala ang biktima na si Apolinar Martinez, 57 anyos, na kasalukuyan ding kumakandidatong mayor sa Pagbilao.
Isang nagmalasakit na mamamayan ang nagpadala ng text message na nagsasaad na kinidnap si Martinez sa isang lugar sa Laguna.
Sinasabi ng asawa ni Martinez na nakatanggap siya ng tawag sa telepono mula sa ilang kamag-anak nila sa Alaminos, Laguna na nagbalitang nawawala mula pa bandang alas-5:30 ng umaga ng Huwebes habang nag-eehersisyo.
Nabatid na, noong Marso 23, nakaligtas si Martinez sa tangkang pagpatay sa kanya ng hindi pa kilalang suspek na bumaril sa kanya.
Sinisiyasat ng pulisya kung may kinalaman sa pulitika ang insidente.