MANILA, Philippines - Binalot ng tensyon ang isang komunidad matapos na i-hostage ng 30-anyos na ama na may diprensya sa pag-iisip ang dalawa nitong anak sa Barangay Manatad, sa bayan ng Sibonga, Cebu kamakalawa. Kusa namang sumuko sa pulisya si Adonis Flores na nagawang tutukan ng karit na panggapas ng palay ang kaniyang dalawang anak na nagkakaedad 4 at 2-anyos. Napag-alamang rumesponde ang pulisya sa pamumuno ni SPO2 Darlene Banogon matapos na humingi ng tulong ang misis ng suspek na si Juvilyn. Nang mamataan ng suspek ang paparating na pulis ay animo’y maamong tupa na sumuko. Nabatid na ang suspek ay nasangkot na rin sa pagpatay sa kaniyang pinsan pero hindi nakulong dahil walang nagsampa ng kaso. Kaugnay nito, minabuti ng pulisya na iturnover ang suspek sa mental hospital sa Cebu City.