BATANGAS, Philippines — Isang 47-anyos na security guard na kabilang sa demolition team ang iniulat na napatay habang 10 iba pa ang sugatan makaraang atakihin at pagsasaksakin ng mga vendor sa bayan ng Cuenca, Batangas kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Senior Supt Alberto Supapo, Batangas police director ang napaslang na si Bernadin De Castro na nagtamo ng saksak sa dibdib samantalang sugatan naman sina Lino Diocos, 40; Sonny Delos Reyes, 22; Alez Macalindong, 38; Lito Malaubang, 37; Jonel Noay, 24; Jimmy Vergara, 42; at si Michael Angelo Lacorte, 27, pawang sekyu ng Ithiel Corporation.
Nabatid na naglalagay ng perimeter fence ang mga biktima sa loob ng Cuenca Public Market nang atakihin at pagsasaksakin ng grupo ng vendor.
Sugatan din ang tatlong vendor na sina Joseph Raposa, 37; Geronimo Cuevas, 58; at si Geromo Cuevas, 35 na pawang ginagamot sa Martin Marasigan Hospital.
Iniimbestigahan naman ng pulisya si Jenver Tirasol na pinaniniwalaang nakasaksak kay De Castro.
Nag-ugat ang kaguluhan dahil sa planong pagsasapribado ng nabang git na palengke mula sa pamahalaang bayan ng Cuenca na mariin namang tinututulan ng mga vendor.