Testigo sa kaso ng Ampatuan itinumba

MANILA, Philippines - Napaslang ang utol ng alkalde na tumestigo laban sa maimpluwensyang ang­kan ng mga Ampatuan na sinasabing utak sa Ma­guin­­danao massacre ma­ka­raang pagsasaksakin at pagbabarilin ng tatlong kalalakihan noong Martes ng hapon sa Cotabato City.

Nagawa pang maisu­god sa Cotabato Regional Medical Center ngunit idi­neklarang patay si Moha­madisa Sangki na may alyas Datu Haris, 51, ne­gosyante at nakatira sa Ilang Ilang Street, Rosary Heights 7 ng nabanggit na lungsod.

Ayon kay P/Senior Supt. Willie Dangane, ang bik­tima ay kapatid ni Mayor Zacaria Sangki na may alyas Datu Iyah ng bayan ng Ampatuan, Maguin­danao.

Nabatid na si Datu Iyah ay tumestigo laban sa angkan nina Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., ama nitong si ex-Maguin­danao Governor Andal Ampatuan Sr., sinus­pen­ding si ex-ARMM Governor Zaldy Ampatuan atbp. na itinuturong utak sa Maguin­danao massacre sa bayan ng Ampatuan noong Nob­yembre 23, 2009 na ikina­sawi ng 57 katao kabilang ang 32-mediamen.

Naganap ang krimen sa panulukan ng Sinsuat at Pendatun Avenue sa Pob­lacion 5 kung saan lulan ng motorsiklong 250cc Honda (MD2739) ang biktima nang harangin ng tatlong armadong kala­lakihan.

Isa sa mga suspek ang nambulyaw pa sa biktima saka inundayan ng sunud-sunod na saksak kung saan isa pang suspek na kinilala ng mga testigo na si Kenny Osmeña ang bumaril sa likurang bahagi ng katawan habang na­mimilipit ito sa sakit.

Pinaniniwalaan may kinalaman sa pagtestigo ni Datu Iyah laban sa mga Ampatuan ang motibo ng krimen habang patuloy naman ang imbes­tigasyon.

Show comments