Testigo sa kaso ng Ampatuan itinumba
MANILA, Philippines - Napaslang ang utol ng alkalde na tumestigo laban sa maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan na sinasabing utak sa Maguindanao massacre makaraang pagsasaksakin at pagbabarilin ng tatlong kalalakihan noong Martes ng hapon sa Cotabato City.
Nagawa pang maisugod sa Cotabato Regional Medical Center ngunit idineklarang patay si Mohamadisa Sangki na may alyas Datu Haris, 51, negosyante at nakatira sa Ilang Ilang Street, Rosary Heights 7 ng nabanggit na lungsod.
Ayon kay P/Senior Supt. Willie Dangane, ang biktima ay kapatid ni Mayor Zacaria Sangki na may alyas Datu Iyah ng bayan ng Ampatuan, Maguindanao.
Nabatid na si Datu Iyah ay tumestigo laban sa angkan nina Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., ama nitong si ex-Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr., sinuspending si ex-ARMM Governor Zaldy Ampatuan atbp. na itinuturong utak sa Maguindanao massacre sa bayan ng Ampatuan noong Nobyembre 23, 2009 na ikinasawi ng 57 katao kabilang ang 32-mediamen.
Naganap ang krimen sa panulukan ng Sinsuat at Pendatun Avenue sa Poblacion 5 kung saan lulan ng motorsiklong 250cc Honda (MD2739) ang biktima nang harangin ng tatlong armadong kalalakihan.
Isa sa mga suspek ang nambulyaw pa sa biktima saka inundayan ng sunud-sunod na saksak kung saan isa pang suspek na kinilala ng mga testigo na si Kenny Osmeña ang bumaril sa likurang bahagi ng katawan habang namimilipit ito sa sakit.
Pinaniniwalaan may kinalaman sa pagtestigo ni Datu Iyah laban sa mga Ampatuan ang motibo ng krimen habang patuloy naman ang imbestigasyon.
- Latest
- Trending