KAMPO ALEJO SANTOS, Malolos City , Philippines — Arestado ang dalawang katao kabilang ang isang kagawad ng Presidential Security Group na nahulihan ng iligal na baril sa magkahiwalay na lugar sa lalawigang ito kahapon.
Sa ulat na isinumite kay OIC Provincial Director P/SSupt. Fernando Villanueva kinilala ang mga suspek na sina Ferdinand Gingco 33, may-asawa, residente ng Brgy. Balatong sa bayan ng Pulilan at Albert Lopez 26, binata, residente ng Brgy. Burol 1st sa bayan ng Balagtas.
Ayon sa ulat unang naaresto si Gingco dakong ala- 1:30 ng hapon habang papasok sa Waltermart Shopping Center na nasa Cagayan Valley Road, Brgy. Bañga 1st sa bayan ng Plaridel habang nakasukbit ang isang .45 kalibre ng baril at nang hanapan ng exemption sa gun ban ng Comelec ay wala itong maipakita.
Samantala dakong alas- 3:30 ng madaling-araw ay naaresto naman ni P/SInsp. Jose Sonza si Lopez na may dalang isang paltik na .45 kalibre ng baril at bala sa loob ng 7-11 Convinient Store na nasa isang lugar sa Brgy. Wawa sa bayan ng Balagtas makaraang itawag ito sa pulisya ng alertong security guard na nagmamando sa naturang establisemyento.
Kapwa nahaharap sa kasong Illegal Possession of Firearms and Ammunition at paglabag sa Omnibus Election Code ang dalawa na kasalukuyang nakadetine sa dalawang himpilan ng pulisya. Boy Cruz