MANILA, Philippines - Patay ang isang opisyal ng Philippine Army matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga armadong salarin sa naganap na ambush sa Zamboanga City kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si Major Javier Ignacio, 48, nakatalaga sa AFP-Western Mindanao Command (AFP-Westmincom) at residente ng Brgy. Kasanyangan ng lungsod.
Batay sa report na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang insidente sa harapan ng GSIS sa kahabaan ng Baliwasan Moret ng lungsod bandang alas-9 ng gabi. Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang lulan ng kanyang motorsiklo si Ignacio na may JO 2487 at patahak ng Canelar airport galing ng AFP-Westmincom headquarters sa Brgy. Calarian ng mangyari ang insidente.
Agad umanong dinikitan ng dalawang mga armadong suspect na sakay din ng motorsiklo ang biktima pagsapit sa lugar.
Dead-on-the spot ang biktima matapos masapul ng mga tama ng bala ng cal. 45 pistol sa katawan.
Nagsasagawa na ng malawakang imbestigasyon ang mga awtoridad sa kasong ito. Joy Cantos