SOLANO, Nueva Vizcaya, Philippines — Isang kandidatong mayor sa bayang ito ang nabahala matapos pasabugan ng granada ang kanyang tahanan ilang araw bago nagsimula kahapon ang unang araw ng kampanya ng mga kalahok sa halalang lokal.
Ayon sa naantalang ulat ng pulisya, ang tahanan ni Atty. Virgil Castor, 60, residente ng Barangay Poblacion North ng bayang ito ay hinagisan ng granada noong Lunes ng gabi.
Walang nasaktan sa insidente subalit winasak ng granada ang bubungan ng kanyang kapitbahay na si Fausto Bumatay.
Tumawid man umano ang granada at sumabog sa bubungan ng kanyang kapitbahay, malaki ang paniniwala ni Castro na siya ang puntirya ng mga suspek kung saan nasira rin ang salamin ng kanyang bahay. Sinabi naman ng pulisya na wala pang malinaw na motibo o kung sino man ang suspek na nasa likod ng pagsabog. Victor Martin