ANTIPOLO CITY, RIZAL, Philippines — Isang 18-anyos na estudyante ng La Salle College-Antipolo ang nasawi makaraang mabaril habang nakikipaghabulan sakay ng motorsiklo kamakalawa ng gabi sa lunsod na ito.
Hindi na umabot nang buhay sa Manila East Medical Center sa Taytay ang biktimang si Pete Gerard Ocampo ng Barangay Beverly, ng nabanggit na lungsod. Nagtamo ito ng tama ng bala sa likuran buhat sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril.
Sa ulat ng Rizal Provincial Police Office, naganap ang insidente dakong alas-10:45 ng gabi sa kahabaan ng Ortigas Avenue Extension sa Barangay Beverly.
Huling nakitang buhay si Ocampo na kaangkas sa isang motorsiklo na minamaneho ng 17-anyos na si Miguel Franco Maglanoc kung saan hinahabol naman sila ng dalawang lalaki sakay rin ng isang motorsiklo.
Bigla umanong nakarinig ng putok ng baril ang mga residente kung saan bumulagta ang biktima. Hinabol naman ng mga otoridad ang mga suspek ngunit nagawang makatakas ng mga ito sa maluwag na seguridad sa naturang lugar. Danilo Garcia