2 anak ng producer nasagip sa kidnappers
MANILA, Philippines - Sa loob lamang ng mahigit 24 oras, nailigtas ng pulisya ang dalawang anak ng isang television commercial producer sa kamay ng mga kidnapper sa Tagaytay City, Cavite makaraang magsagawa ng rescue operation sa Antipolo City, Rizal nitong Biyernes ng umaga.
Batay sa ulat na ipinarating kahapon sa tanggapan ni Philippine National Police Chief Director General Jesus Verzosa mula kay P/CSupt Rolando Anonuevo, Regional Director ng Police Regional Office CALABARZON bandang alas-8:00 ng umaga ng Huwebes nang puwersahang tangayin ng mga kidnapper ang mga biktimang sina Christian Alexander Joven, dalawang taong gulang, at Gilbert Joven, walong buwang gulang na sanggol.
Nabatid na naganap ang pagdukot sa mga biktima sa Jestra Heights Subdivision, Sta. Rosa-Tagaytay Road, Barangay Francisco, Tagaytay City.
Isinagawa ang rescue operation matapos magsumbong sa pulisya ang ama ng mga biktima na si Romeo Joven, 35, TV commercial producer at residente ng Country Villa B, Unit Jestra Heights Subdivision, Sta Rosa-Tagaytay Road, Barangay Francisco.
Agad namang nagsagawa ng rescue ang pinagsanib na elemento ng Cavite Police at Antipolo City Police sa pinagtataguan ng mga suspek sa dalawang paslit sa Barangay San Isidro, Bagong Nayon, Antipolo City.
Nabatid sa salaysay ng ama ng mga biktima ng nasabi ding araw na isinagawa ang pagdukot sa mga biktima ay agad na ring humingi ang mga suspek ng P200,000 ransom kapalit ng pagpapalaya sa dalawang bata.
Sa sinagawang follow-up operation ng mga awtoridad ay nadakip ang mga suspek na sina Bernard Lituañas at Rex Alvarez sa Brgy San Isidro, Bagong Nayon.
- Latest
- Trending