KIDAPAWAN CITY, Philippines — Dalawang sasakyan ng munisipyo ang sinunog ng mga rebeldeng New People’s Army sa panibagong paghahasik ng terorismo sa Sitio Boay-Boay, Barangay Basak sa bayan ng Magpet, North Cotabato kahapon.
Ayon kay P/Insp. Luis Pederio, hepe ng Magpet PNP, pauwi na ang grupo ni Vice Mayor Villasor lulan ng dalawang sasakyan mula sa pagpupulong nang harangin ng mga rebelde na pinamumunuan ni Commander Ponyong ng NPA Front 53.
Pinababa ang mga lulan ng dalawang sasakyan kabilang na si Vice Mayor Villasor kung saan ilang minuto ang nakalipas ay sinilaban ang Isuzu Trooper at Toyota Hi-lux na pag-aari ng munisipyo.
Tinangay ng mga rebelde ang ilang celfon at iba pang personal na gamit ng mga biktima kung saan ayon kay Pederio ay humihingi ng permit-to-campaign fee ang mga rebelde mula sa grupo ni Villasor.
Bagama’t ‘di sinaktan ang grupo ni Vice Mayor Villasor, nag-iwan naman ito ng ibayong takot at pangamba.
Kasama ni Villasor ang anim na konsehal, barangay official na kandidato sa pagka-konsehal, civilian escort, at dalawang iba pa.
Nabatid na si Mayor Efren Pinol ang target ng mga rebelde subalit ‘di nakasama dahil may dinaluhang kasalan.
Inamin ni Mayor Pinol na nakatanggap na siya ng mga text message mula sa NPA at humihingi ng permit-to-campaign fee subalit nanindigan siyang ‘di-magbigay. Malu Manar