BATANGAS, Philippines — Duguang bumulagta ang dalawang lalaki samantalang sugatan naman ang isa pa na sinasabing asset ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa naganap na pamamaril kamakalawa ng hapon sa Tanauan City, Batangas.
Kinilala ni P/Senior Supt. Alberto Supapo, Batangas police director ang dalawang napaslang na sina Rico Marasigan, 27; at Ronnie Suruela, 26, kapwa nakatira sa Barangay Maraouy, Lipa City, Batangas.
Sugatan naman ang asset ng PDEA na si Jimwel Latesa, 29, na naisugod sa CP Reyes Hospital sa nabanggit na lungsod.
Base sa police report, kausap ng tatlong biktima sina Teddy Fajardo at Florencio Llamado sa loob ng bahay ni Fajardo sa Barangay Trapiche nang bigla na lang magtalo ang mga ito sa hindi nabatid na dahilan hanggang sa paputukan ni Fajardo ang mga biktima bandang alas-2:45 ng hapon.
Mabilis na nakatakas si Fajardo bitbit ang baril na ginamit samantalang iniimbestigahan naman si Llamado sa himpilan ng pulisya.
Pinaniniwalaan namang may kaugnayan sa bawal na droga ang isa sa isyu na pinagtalunan kaya nauwi sa pamamaril.