Konsehal nambugbog ng kalaban sa pulitika

BATANGAS, Philippines — Nalala­gay sa balag ng alanganing masampahan ng kasong pambubugbog at pana­na­kot ang isang municipal councilor na sinasabing na­nutok ng baril at nagbanta sa mga kalaban nito sa pulitika sa bayan ng San Pascual, Batangas kama­ka­lawa ng umaga.

Kinilala ni P/Senior Supt. Alberto Supapo, Ba­tangas police director, ang suspek na si Councilor Je­sus Mendoza, 54, ng Ge­lerang Kawayan sa na­banggit na bayan.

Base sa police report, nakatanggap ng tawag sa telepono ang himpilan ng pulisya mula sa Bauan Doctors Hospital para iulat na may pasyente silang nagngangalang Henry Guevarra na sina­sabing biktima ng pambu­bugbog ng isang konsehal.

Sa imbestigasyon ng pulis, lumilitaw na nasa loob ng bahay si Guevarra nang tutukan ng baril sa noo ni Konsehal Mendoza habang isinisigaw ang katagang, - huwag kang mag­susumbong sa Team Conti, kundi papatayin kita.

Kaugnay nito, nang makasalubong naman ni Florita Dimaunahan, 40, si Konsehal Mendoza ay pinagbantaan at sinabi ang mga katagang, - ‘wag kang sasama sa meeting ng Team Conti, ako ang pa­kinggan mo... baka gusto mong mawala dito sa Ge­lerang Kawayan.

Dahil doon, mabilis na pinuntahan ng pulisya si Konsehal Mendoza sa ba­hay nito pero hindi na nila inabutan at sinasabing nagtago na sa hindi naba­tid na lugar.

Nabatid na si Konsehal Mendoza ay kapartido ni San Pascual Mayor Antonio Dimayuga ng Lakas-Kampi CMD na makaka­laban naman ni Mayoralty bet Roana Conti ng Bisig Pinoy na kapwa sinusu­por­tahan na­man nina Gue­varra at Dimaunahan.

Nag-utos na si P/Supt. Supapo na madaliin ang imbestigasyon at masam­pahan ng kaukulang kaso si Councilor Mendoza.

Show comments