SOLANO, Nueva Vizcaya , Philippines — Nilooban ng mga hindi pa nakikilalang grupo ang pinakamalaking supermarket sa bayan ng Solano, Nueva Vizcaya kamakalawa ng madaling-araw.
Ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas-4 ng madaling-araw nang pasukin ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan ang Son Miguel (SM) Supermart matapos igapos ang guwardiya na naka-duty sa nasabing establisyemento.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Dexter Divad ng Solano PNP, dumaan ang mga magnanakaw sa mismong harapan ng supermarket matapos sirain ang mga padlock at tangayin ang mga cash at mga mamahaling paninda sa loob ng mart.
Ang halaga ng pera na nakuha sa loob ng kaha ay tinatayang aabot sa P.5 milyon hanggang P.8 milyon subalit nilinaw ng pulisya na hihintayin pa nila ang official na inventory upang malaman kung magkano ang nakuha kabilang na ang halaga ng mga paninda na tinangay ng mga magnanakaw.
Sa kasalukuyan ay nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sa tulong ng guwardiya na nagsabing mamumukhaan niya ang mga kawatan kung makikita niya ang mga ito. Victor Martin