ZAMBOANGA CITY , Philippines — Dalawa-katao kabilang ang lider ng kidnap-for-ransom gang ang napatay ng militar habang dalawang iba pa ang nasugatan sa naganap na bakbakan noong Sabado ng madaling-araw sa bayan ng Sumisip, Basilan.
Kinilala ang mga napaslang na sina Abugao Bayali, notoryus na lider ng kidnap-for-ransom gang at Hudan Asarul.
Si Bayali ay sinasabing kumander ng lost command ng Moro Islamic Liberation Front na may ugnayan sa mga bandidong Abu Sayyaf Group habang si Asarul ay civilian volunteer at kaanak ni Sumisip Mayor Haber Asarul.
Sugatan naman sina Asarul Abdulmunir at Amad Kabung na kapwa miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit.
Lumilitaw na nagpapatrolya ang mga kawal ng Cafgu kasama si Asarul nang makasagupa ang grupo ni Bayali sa Sitio Telling sa Barangay Central.
Tumagal ng 30-minuto ang bakbakan saka umatras ang mga rebelde bitbit ang sugatang si Bayali at sinasabing namatay dahil sa mga tama ng bala ng baril. Joy Cantos