MANILA, Philippines - Dalawang pulis ang iniulat na napaslang sa panibagong paghahasik ng terorismo ng mga bandidong Abu Sayyaf Group sa Zamboanga City at Sulu, ayon sa ulat kahapon.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, si PO2 Marlon Alday, 27, ng Regional Mobile Group-4A ay naglalakad patungong palengke nang ratratin ng mga bandido sa bisinidad ng Barangay Walled City, Jolo, Sulu.
Samantala, si SPO1 Pendatun Jahama, 37, ng Panglima Sugala PNP station ay pinagbabaril ng mga armadong kalalakihan habang palabas ng KFC Restaurant sa kahabaan ng Gov. Camins Avenue sa harapan ng 3rd Cup Restaurant sa Zamboanga City.
Kaagad na tumakas ng dalawang armardong kalalakihan na lulan ng motorsiklo kung saan idineklara namang patay si SPO1 Jahama sa Western Mindanao Medical Center.
Tinamaan naman ng ligaw na bala ng baril ang negosyanteng si Jan Abdurahim, 50, ng Bonga, Tawi-Tawi.