MANILA, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang brodkaster na tumatayo ring correspondent ng lokal na dyaryo kung saan natagpuang durog ang bao ng ulo nito sa rest house ng radio station sa Barangay Lagao sa General Santos City noong Sabado ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang napatay na si Chito Abuzo, 59, correspondent ng Sapol News Bulletin at block timer sa dxGS radio station na sinasabing pag-aari ni Danding Cojuangco.
Ayon kay SPO2 Angel Marquez, huling namataang buhay si Abuzo na nakikipag-inuman ng alak sa dalawang kasamahang brodkaster na sina Dodong Cabrera at Onel Solamin matapos ang kanyang programang “Ang Panglawas kung saan co-host nito si Cris Guarin.
Sa imbestigasyon, pinabulaanan naman nina Cabrera at Solamin na may kinalaman sila sa krimen dahil iniwan nila si Abuzo na nag-iisa sa nabanggit na compound.
Sa pahayag ng radio operator na si Engr. Bonifacio Galindo, nakarinig siya na may bumagsak sa sahig kaya kaagad niyang sinilip sa bintana.
Dito na bumulaga kay Galindo ang duguang katawan ni Abuzo na nakahandusay sa sahig kaya mabilis niyang ipinaabot sa pulisya.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ng pulisya na namataan ni Galindo ang kotse ni Eddie Ferrari na lumabas ng compound ng radio station matapos matagpuan si Abuzo kaya posibleng isa siya sa pangunahing suspek. Joy Cantos