ARINGAY, La Union, Philippines - Hiniling ng mga bagong rekrut na pulis sa Region 1 na imbestigahan ang multi-milyong anomalya ng mga training officer sa PNP Regional Training School kaugnay sa hindi naibibigay na pasahod sa mga nagsasanay na pulis.
Sinabi ng mga bagong rekrut na pulis na tumangging ibinigay ang kanilang mga pangalan na dapat ay isailalim sa lifestyle check ni PNP Chief Director General Jesus Versoza ang mga tiwaling PNP officer kaugnay sa milyun-milyong pasahod na sinasabing ibinulsa ng mga opisyal ng training school.
Napag-alamang aabot sa 511 bagong pulis ang nirekrut noong 2009 ang hindi nakatanggap ng suweldo sa loob ng anim na buwang pagsasanay na umaabot sa P94,000 kada pulis.
“Akala namin ay magkakaroon kami ng konting maiuuwing cash money sa amin pamilya after our training, pero may utang pa raw kami sa mga instructor namin,” pahayag ng mga bagong rekrut na pulis sa Region 1
Napag-alamang mismong mga training officer ang nagpapalit sa mga tseke na sinasabing suweldo ng mga bagitong pulis at hindi na naibibigay sa kanila ang malaking halaga.
“Kung gusto raw naming maka-graduate ay sumunod lang daw kami sa iniuutos nila kaya takot kaming magreklamo baka ‘di nga kami papayagang maka-graduate sa training namin,”mangiyak-ngiyak na pahayag ng isang policewoman.
Maging ang P7,000 bonus noong Christmas Day ay naibigay sa mga bagong pulis na sinasabing pumirma lang sa voucher.
“Naiinggit nga kami sa kasamahan naming nag-training sa ibang RTS dahil nagkaroon sila ng pera after their training; pero kami lahat dito sa RTS Aringay ay walang natanggap at naiuwing pera, nagkautang pa kami,” pahayag ng mga pulis. Myds Supnad