2 gobernador sa Bulacan
MALOLOS CITY, Bulacan , Philippines — Nagsimulang manungkulan kahapon bilang gobernador ng Bulacan si Roberto Pagdanganan habang nagkulong naman sa kapitolyo ang kasalukuyang Governor na si Joselito “Jonjon” Mendoza para hintayin ang kasagutan ng Supreme Court kaugnay sa inihaing motion for reconsideration.
Ito ay matapos idikit ng Commission on Elections (Comelec) provincial election supervisor ang kopya ng writ of execution sa pader ng kapitolyo na guwardiyado at napapaligiran ng mga taga-suporta ni Mendoza bukod pa sa barikada.
“Ako na muli ang gobernador ng Bulacan,” pahayag ni Pagdanganan sa mga taga-suporta na nagtipon sa mini forest park ng kapitolyo saka tumuloy sa gusali ng Gat Blas F. Ople habang hinihintay si Mendoza na bumaba sa puwesto.
Nagpatawag ng press conference si Pagdanganan kung saan itinatalagang provincial administrator si Atty. Jose Cruz, habang chief of staff naman si ex-Councilor Eric Castro at si Roberto Paulino bilang hepe ng security.
Nagpalabas na ng memorandum si Pagdanganan para ibalik sa district hospital ang Calumpit Maternity Hospital.
Inatasan din ang provin cial engineers office na alisin ang mga barikada sa harap ng kapitolyo para maipagpatuloy ang serbisyo sa taumbayan.
Kaugnay nito, nanatili sa loob ng kapitolyo si Governor Mendoza matapos tangkaing ipatanggap ng Comelec ang kopya ng writ of execution kahapon ng umaga.
Dahil sa hindi tinanggap ang kopya, idinikit na lamang ng Comelec ang kopya ng writ of execution sa pader ng kapitolyo subalit binaklas din ng mga taga-suporta ni Mendoza. Dino Balabo
- Latest
- Trending