KIDAPAWAN CITY , Philippines — Pinaniniwalaang aabot sa P200 milyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy makaraang masunog ang pinakamalaking shopping mall sa Kidapawan City, North Cotabato kahapon ng umaga.
Nadamay sa sunog ang Rizal Commercial Banking Corporation Kidapawan branch, LCE Trading, food court, mga stall sa loob ng shopping mall, at ang KMCC Grocery Center.
Ayon sa ulat, nagsimula ang apoy sa bodega ng KMCC Shopping Mall kung saan sumabog ang generator matapos mawalan ng kuryente sa ikalawang palapag ng KMCC saka kumalat sa mga katabing gusali at tindahan.
Unang nakapagresponde sa sunog ang dalawang fire truck ng Kidapawan City Fire Department subalit dahil sa sobrang lakas ng apoy ay ’di-kinaya na apulahin ang apoy.
Rumesponde rin sa fire scene ang walong water tanker na pag-aari ng Dole Stanfilco na nakabase sa bayan ng Makilala at maging ang mga pamatay-sunog mula sa mga bayan ng Kabacan, Matalam, Tulunan, Makilala sa North Cotabato at bayan ng Bansalan sa Davao del Sur.
Anim sa mga bombero kabilang na ang limang fire volunteers, na sina Rommel Padilla, Jepoi, Patrick at isang may apelyidong Pelarios ang nasugatan at naisugod sa Kidapawan Doctors Hospital.
Bandang alas-2:30 ng hapon, ay kontrolado na ang sunog, bagama’t may ilang bahagi pa ng mall ang nag-aapoy. Malu Manar