7 Sayyaf pinabulagta
MANILA, Philippines - Pitong bandidong Abu Sayyaf kabilang ang dalawang babae na iniuugnay sa Jemaah Islamiyah terrorist ang iniulat na napatay sa isinagawang pre-dawn amphibious raid sa pinagkukutaan ng mga terorista noong Linggo sa baybay-dagat ng Barangay Pukan sa Laminusa Island, Siasi sa Sulu.
Sa ulat ng regional commander na si Brig. Gen. Rustico Guerrero, nagsimula ang pagsalakay bandang alas-3 ng madaling-araw na tumagal ng dalawang oras matapos ang mahabang surveillance laban sa grupo ni Abu Benhur alyas Boy Tondo na sinasabing kinakanlong ang Malaysian JI cell leader na si Zulkifli bin Hir alyas Abu Marwan.
Narekober ng mga sundalo ng 63rd Force Reconnaissance Company ang 15 malalakas na kalibre ng baril tulad ng M16 rifle, Garrand, Browning Automatic Rifle M14 rifle, FN FAL Belgian made assault rifle, M79 at M203 rifle.
Nabatid na maglulunsad ng panibagong pagpapasabog at pagdukot ang grupo ni Benhur sa iba’t ibang bahagi ng Sulu.
Si Marwan na isang US-trained Malaysian engineer ay may patong sa ulo na US$5 milyon at lider ng grupong Kumpulun Mujahidin Malaysia (KMM) kung saan miyembro ng central command ng Jemaah Islamiyah sa sangkot sa 2002 Bali bombing sa Indonesia.
Nagpapatuloy naman ang operasyon ng militar laban sa mga bandidong nagsitakas na pinamumunuan ni Abu Benhur. Ricky Tulipat at AP
- Latest
- Trending