MANILA, Philippines - Aabot sa 37 estudyante ang iniulat na nasugatan ma karaang mahulog mula sa sinasakyang cargo truck sa Transcentral Highway sa Barangay Preinza sa bayan ng Balamban, Cebu kamakalawa ng hapon.
Sa imbestigasyon ng pulisya, ang mga biktima ay kabilang sa 126 estudyante ng Buanoy National High School na nagdaos ng rekoleksyon sa Don Bosco-Balamban Technological Center kasama ang dalawang adviser na sina Aurelia Alimpoos at Lincha Nebros.
Bandang alas-5 ng hapon habang bumabagtas ang Isuzu Elf cargo truck (THE-941) na minamaneho ni Rogelio Eliezer na lulan ang mga estudyanteng nakatayo dahil sa kawalan ng upuan nang bumigay ang railing sa kanang bahagi ng sasakyan.
Sa nasabing insidente ay nahulog ang 37 estudyante kung saan tatlo sa mga biktima ang grabeng nagtamo ng pagkabali ng buto at mga sugat sa katawan.
Naisugod naman sa Balamban Provincial Hospital habang sina Jessaly Galo, Kristine Crausos at Ritshe Tupas ay inilipat ng ospital sa Cebu City dahil sa maselang kalagayan.
Ayon kay SPO3 Arvie Banate ng Balamban police, lumilitaw na nanghiram ng trak ang pamunuan ng nasabing eskuwelahan sa may-ari ng trak na Metaphitto construction company para sa rekoleksyon.
Nagbigay naman ng financial support sa mga sugatang biktima ang may-ari ng trak kung saan sumuko naman sa pulisya ang drayber na nakatira sa Barangay Pulpogan, Consolacion, Cebu. Joy Cantos