PILAR, Bataan, Philippines – Tatlong bala ng .45 kalibreng baril ang umutas sa buhay ng isang Overseas Filipino Worker mula sa dalawang hindi kilalang kalalakihan habang naglalaro siya ng tong-its sa loob ng compound ng Tuazon Family sa Barangay Sta. Rosa, Pilar, Bataan kamakalawa ng hapon.
Ang biktima ay kinilala ni P/Sr.Supt. Arnold Gunnacao, Provincial Police Director, na si Oscar Tuazon Sr. y Bautista, 51 anyos, may-asawa, ng Purok Ibaba, Barangay Sta. Rosa.
Masayang naglalaro ng tong-its ang biktima sa loob ng compound ng Tuazon Family nang dalawang motorsiklo ang huminto sa harapan ng gate nito.
Pumasok ang dalawang suspek sabay bunot sa kanilang baywang ng kalibreng 45 baril at tatlong sunod na pinaputukan ang biktima hanggang sa ito ay bumulagta sa semento habang inatasan naman ng isa ang mga kalaro nito na dumapa.
Bago tumakas, kinuha pa ng mga suspek ang pitaka, gintong relo, kwintas na may pendant na ginto at gintong bracelet ng biktima. (Jonie Capalaran)