3 holdaper ng bangko napatay sa barilan
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines – Agad binawian ng buhay ang tatlong hinihinalang holdaper ng bangko makaraang makipagbarilan sa pulisya sa Barangay Ligas sa siyudad na ito kamakalawa ng hapon.
Sinasabi sa ulat nina P/Supt.David Poklay ng Provincial Intelligence Branch at P/Supt.Manuel Lukban ng Provincial Public Safety and Management Company kay P/Senior Superintendent Edgardo Tinio, OIC Provincial Director, nagmamanman ang kanilang mga tauhan sa Campupot St. sa Barangay Ligas nang mamataan nila ang isang traysikel na walang plaka at sinasakyan ng apat na katao.
Pinahinto ng mga pulis ang traysikel pero biglang kumaripas ng takbo ang mga sakay nito kaya hinabol nila pero nakipagbarilan ang mga suspek.
Tatlo sa mga suspek ang napatay habang nakatakas ang isa pa nilang kasamahan. Hindi pa sila makilala habang isinusulat ito.
Lumitaw sa pagsisiyasat na binabalak ng grupo na holdapin ang Amana Credit Cooperative na nasa bisinidad ng Barangay Balite na kanugnog ng Barangay Ligas bago sila nakaengkuwentro ng mga pulis.
Nakuha sa tatlong holdaper ang tatlong .38 revolber na baril at mga bala nito, isang Kawasaki Bajaj na nakatago ang plaka (9356-CH) sa compartment, dalawang bala ng 12 gauge shotgun, isang replica ng granada, apat na bonnet, isang mahabang nylon na tali, duck tapes, isang mahabang kutsilyo at isang papel na nakalagay ang mapa ng Amana Credit Cooperative.
Sa tala ng pulisya, ang mga suspek ay sangkot sa serye ng robbery/holdup at Akyat Bahay sa Bulacan, Pampanga at iba pang lugar sa Central Luzon.
- Latest
- Trending