BULACAN, Philippines – Nag-ala Michael Jackson ang pagkamatay ng mag-ina na nakaratay sa ospital makaraang turukan ng pampatulog ng isang nurse noong Biyernes ng Pebrero 26 sa Barangay Biñang 2nd sa bayan ng Bocaue, Bulacan.
Humihingi ng hustisya sa kinauukulan ang mga kaanak ng mag-inang namatay na sina Bernadette Mendoza, 22, isang registered nurse at ang bagong silang na si Cailin Giana Mendoza.
Si Bernadette na sinasabing nakatakdang manganak noong Huwebes ng gabi (Peb 25) ay inihatid sa St. Paul Hospital ng kanyang mister na si Jarwin at ipi-nag-bigay alam din kay Dra. Ana Peralta ang insidente kung saan nangakong susunod sa nabanggit na ospital.
Gayon pa man, lumabas na ang panubigan ni Bernadette ay hindi pa rin dumarating si Dra. Peralta sa ospital sa hindi nabatid na dahilan.
Agad namang ipinaabot ni Jarwin sa ilang nurse ang pangyayari kaya tinawagan nila si Dra. Peralta.
Sa panayam kay Jarwin, inutusan ni Dra. Peralta ang ilang nurse na turukan ng pampatulog si Bernadette at dalhin sa isang aircon room.
Dahil sa hindi nakaya-nan ni Bernadette ang kalagayan ay tuluyan na itong bumigay kasama ang kanyang sanggol sa sinapupunan bandang alas-4:30 ng madaling-araw.
Hindi naman tinanggap ni Jarwin ang paliwanag ni Dra. Peralta na dumating sa ospital na patay na ang kanyang mag-ina.
Kasunod nito ay pinapirma si Jarwin ng waiver na sinasabing umiiwas sa responsabilidad ang nabanggit na doktora.
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa makapagbigay ang nasabing ospital ng medical abstract at death certificate kay Jarwin.
Samantala, may kuma-lat na balita na si Dra. Peralta ay lumabas na ng bansa at maging ang kanyang opisina sa Barangay Lolomboy ay inalisan na ng karatula.